Davao City

Blog: Essay Writing

Tatlong Talata

Posted on May 12, 2013 at 9:35 PM

Ang pagsusulat ay nararapat na malaya o ayon sa gusto ng may akda; walang limitasyon sa kung ilang talata, walang limitasyon sa kung ilang salita. Maging ang anyo ng pagpapahayag ay nararapat na walang limitasyon dahil ang pagsusulat ay sining ng malayang pagpapahayag ng kaisipan. 


Ganunpaman sa gaganaping Pambansang Pasulit, may kakayahang dapat ding subukin, ang kakayahang maisulat o maipahayag ng epektibo ang kuro-kuro ng mag-aaral (ng learner--ikaw) sa loob lamang ng tatlumpong minuto (30 minutes).

Dahil dito, madalas kong suhestiyon ang pagsulat ng sanaysay na may tatlong talata: 

  • Panimula (Introduction)
  • Pagpapalawak (Discussion)
  • Pangwakas/Buod (Conclusion)

 

Panimula

Tulad ng mga nakasulat sa aklat o maging ng mga nakikita sa pelikula, ang bawat kwento ay may panimula o pambungad. Maraming paraan kung paano sisimulan ang pagpapahayag ang isang kwento o kuro-kuro, depende syempre sa paksa. Maaring gawin ang mga sumusunod:

 

  • Pagbibigay kahulugan. Bigyang kahulagan ang pamagat. Gawin itong simple at payak. Ang pagpapalawak nito ay dapat nakapaloob sa talata 2. Halimbawa sa paksang "Ang Aking Pangarap". Maari itong simulan sa iyong depenisyon tulad ng: 
    • Sa tuwing naririnig ko ang salitang "pangarap", sumasagi sa aking isipan ang mga katumbas nitong salita: ninanais, hinahangad o minimithi.
    • Pangarap. Ito ang mga isiping nagtutulak sa isang tao na magpursige. Kadalasang tinutukoy nito ang buhay na nais ng tao sa hinaharap. 
  • Direktang sagot. Maari ring magsimula sa pagbibigay ng direktang sagot sa paksa.
    • Guro. Ito ang nais kong maging sa hinaharap.
    • Maging sikat na enhinyero, yan ang pangarap ko. (Saka mas talakayin o bigyan ng kwento sa talata 2)
  • Pagbibigay halimbawa.
    • Maging sikat na mang-aawit, titser o di kaya ay sundalo. Ito ay iilan lamang sa mga propesyon iginuguhit ko noon sa aking isipan.
  • Sawikain, Salawikain o Kaisapan. Maari ring simulan ang sanaysay gamit o hiram ang mga salawikin, sawikain o kaisapan ng ibang manunulat, huwag lamang kalimutang banggitin ang may akda.
    • Ika nga ni Gat. Jose Rizal, "Ang taong di marunong magmahal sa sariling wika, ay higit pa ang amoy sa malansang isda" (Para sa paksang: Ang Kahalagahan ng Sariling Wika)
    • "Wala ka bang napapansin, sa ating kapaligiran...Kay dumi na ng hangin, pati na ng ilog natin". Ito ay liriko sa isa sa mga kanta ng bandang Asin. (Para sa paksang: Ang Tao at Ang Kalikasan)
  • Tanong. Maari ring pukawin ang atensyon ng iyong mambabasa sa paamagitan ng tanong.
    • Pangarap? Ano nga ba ang pangarap?
  •  Malikhaing Panimula. Madalas nakakenganyong basahin ang mga sanaysay na may malikhaing gamit ng mga salita. Ito ay natututunan lamang sa pagbabasa ng ibat ibang literatura.

Mabisa ang iyong panimula, kung nanaising ipagpatuloy ng sinumang mambabasa ang iyong gawa.


Pagpapalawak

Ang pagpapalawak ang pinakamahabang bahagi ng isang sanaysay. Dito nakapaloob ang ekplinasyon, detalye, rason, kwento, pagpapatunay, mga halimbawa, mga dahilan at iba pang  mas magpapaintindi sa mambabasa ng iyong damdamin, saloobin o opinyon. May mga angkop na rhetorical patterns  na maaring gamitin para dito, depende sa kung anong paksa ang tatalakayin. Maaring basahin ang module ng BALS tungkol sa Mabisang Pagsusulat.

Ang anim na halimbawa ng mga disenyong panretorika ng pagsasaayos:

 

  • Pakahulugan
  • Sanhi at Epekto 
  • Paghahalintulad 
  • Pagkakasunud-sunod ayon sa panahon
  • Pagbaba ng kahalagahan 
  • Pag-unlad sa pamamagitan ng mga halimbawa

 

Depende sa layunin ng komposisyon at sa manunulat ang pagdedesisyon kung anong disenyo ang gagamitin at kung ano ang magiging epektibo

 

Ang hamon sa bahaging ito, ay kung papaano mo maihahayag ng walang labis at walang kulang ang paksa. Hindi ganoon kaikli, ngunit hindi din ganoon kahaba. Tandaan ding, ang nakapaloob sa talata 2 ay karugtong o may ugnayan sa mga nakasulat sa Talata 1.


Pangwakas/buod

Ang konklusyon ay ang huling parapo na muling nagsasabi ng pangunahing ideya at nagbubuod ng mga pangunahing punto. (BALS Module)

Tandaan na marapat mabigyang diin ang paksa sa huling abhagi ng sanaysay. Maaring:

 

  • Ulitin ang pamagat.
  • Mag-iwan ng tanong.
  • Magbigay ng rekomendasyon.
  • Isang pangkalahatang pangungusap.
Masasabing mabisa ang Talata 3 kung, sakaling ito lamang ang babasahing bahagi ay mahuhulaan ng mambabasa ang iyong pamagat.


Maam Mae <3



 



Categories: Mga Tips ni Maam Mae sa Pagsusulat

Post a Comment

Oops!

Oops, you forgot something.

Oops!

The words you entered did not match the given text. Please try again.

Already a member? Sign In

2 Comments

Reply Dhiana
5:30 AM on August 4, 2013 
Copy ma'am....tnx :-)
Reply marybeth manapsal
1:19 PM on August 1, 2013 
thanks poh!!!!!